5 Stages of Moving On

Dahil psychology graduate ako, ako na ang may alam tungkol sa mga ganitong bagay, pero ako din ang hindi maka-apply. hahah.

Sabi nila, and by nila, ibig kong sabihin, yung mga theorists na di ko mapangalanan dahil hindi talaga ako magaling sa mga pangalan, merong limang stages sa pag-move on,pwede ding 5 stages of grief.  Kayo na ang bahala kung paano niyo tawagin. Ang limang steps ay ang sumusunod: Denial, Anger, Bargaining, Depression, Acceptance.

Hindi po ito stages  para maka-move on, ito po ang usual response kung nahaharap tayo sa sitwasyon ng napakasakit na kawalan, for example, nawala mo ang Iphone mo, nawala mo ang pusa mong cute, nawalan ka ng girlfriend na kasing ganda ko; mga ganun. Pero hindi ito linear na stages, pwedeng mauna ang isang stage sa isa, pwedeng huminto ang isang tao sa isang stage. Pinapaliwanag ko lang dahil baka gamitin niyo to sa assigment niyo na karaniwan ng ginagawa ng ibang nagbabasa sa blog ko. hahah

Stage 1: Denial

Scenario:

BF: gusto ko ng makipag-break.

GF: Ano sabi mo? Break? Kaka-breakfast lang natin ha?

Pagpasensyahan niyo na po ang kakornihan ko, pero blog ko to kaya wala kayong choice. hahah. Basta parang ganun. Nasa state ka na parang iniintindi mo pa ang sitwasyon. Nagpa-process pa ang utak mo. Sa denial stage, parang kinukumbinsi mo pa sarili mo na hindi nangyari ang lahat o kaya na hindi definite ang lahat. Kung nawalan ka ng Iphone, kukumbinsihin mo ang sarili mo na ibabalik yun ng magnanakaw, may kasama pang letter of apology, kung namatayan ka ng pusa, baka gumising ka isang umaga na nagtataka kung bakit wala kang kalmot, at kung nakipag-break naman si gf/bf, maniniwala kang baka pwede pa someday. Charot. Yung mga taong nasa ganitong stage ay nagpa-process pa kaya hintayin niyo lang mag-load ang impormasyon sa utak nila.

 Stage 2:Anger

Scenario:

BF: Break-up. Split. Yung hindi na tayo.

GF: Ay walang hiya ka pala eh! Hindi pwede, may utang ka pa sa’kin ah!

Ito yung panahon na maghahanap ka ng bubugbugin, este, maghahanap ka ng bagay, tao, entity na pwede mong sisihin sa nangyari. Ewan ko kung bakit may ganitong stage, malamang dahil minsan, mas kaya natin ang pakiramdam na galit kesa pakiramdam na nawalan. Acheche! Kung anu-ano na ang ma-imagine mong torture para sa nagnakaw ng Iphone mo. Sisigaw ka siguro ng ”The World is so Unfair!”, with matching ulan-ulan sa background at on cue music na “Di ko kaya, di ko kaya”,  dahil namatayan ka ng pusa at sasabihin mong andami-dami namang pusa sa mundo, bakit siya pa? At tatawagin mong panget ang ex mo, o kaya magha-hire ka ng hitman na galing sa Davao para isang tira lang. Mwahahah. Yung mga nasa ganitong stage, intindihin pero wag konsintihin lalo na kung may plano na siyang lasunin either ang magnanakaw, ang pusa ng kapibahay, o ang bagong rubby dubby(kung ano man meaning neto) ng ex niya.

Stage 3:  Bargaining

GF: Bakit? Ano ba yung problema? Wala ka bang pambayad sa utang mo? O sige, kakalimutan na natin yung utang mong P3,768.58

Ito yung stage na susubukan mong i-salvage ang kung anumang pwede pa ma-salvage. Bibigay mo kung ano mang pwede pa ibigay para hindi  lang maramdaman ang kawalan. Bale, itetext mo pa ang magnanakaw na, “Kuya! kung gusto mo, iyo na lang tong boyfriend ko, ibalik mo lang ang cellphone ko!” O kaya sasabihin mong sana ang pakialamera mo na lang na kapitbahay ang kinuha at hindi yung pusa mo. Kung pwede lang sanang ipa-switch kay kamatayan. At  marahil, sasabihan mo ang gf/bf mo na soon to be ex mo kung hindi na maagapan, na magbabago ka na, magbabago ka ng kulay ng buhok. Minsan, yung bargaining, hindi lang tungkol sa pag-salvage ng nawala, pwede ding tungkol sa paggawa  mo ng paraan para di mo maramdaman ang sakit. Basta ganun. Ito yung “What if ” stage. Kapag bigla kang nag-what if- AHA! Nasa Bargaining stage ka!

Stage 4: Depression

BF: I’m really sorry. it’s not you it’s me. It’s me realizing that you’re not good enough for me.

GF: (Walk out. Bumalik sa bahay. Gumawa ng bagong playlist. Title:Adele’s Greatest Hits)

Ito yung stage na malalaman mo kung gaano ka ka talented. Kaya mo palang bumirit ng Adele Songs! Sunod-sunod! Sisiw. Dati eh, dalawang Cali lang, lasing ka na, ngayon mayabang ka nang tumungga ng Gold Eagle Beer kasama ang mga magsasaka  at mangingisda sa barangay niyo. Parang tubig lang.  Kaya mo palang umubos ng isang galong ice cream, eh dati sa half galloon, sinsasabi mo pang nasa diet ka. Tapos kaya mo palang tiisin ang amoy mo kasi tinatamad ka ng maligo. Nye. Ganun ang depression stage.

 Stage 5:Acceptance

Scenario:

BF: Pasensya ka na. Kalimutan na natin ang lahat.

GF: Uhmm, do I know you?

Gaya ng sabi ko, hindi linear ang stages na ‘to, hindi pihadong makaka-tungtong ka sa stage na ‘to. May pekeng acceptance sa totoo lang. Ito yung sasabihin mong sarili mo na ok ka lang, ok ka lang talaga. Sa sobra mong ok eh magpapagupit ka ng buhok tapos magpo-pose ng sexy para sa cover ng magazine. Wag ganun. Wag lokohin ang sarili dahil maloko mo man sarili mo, di mo naman maloloko ang iba or the way around. 🙂

Yung tunay na acceptance ay yung matatanggap mo na ang nangyari ay nangyari na, at wala ka nang magagawa dun. Ang pwede mo na lang gawin ay isiping ang bagay na nakasakit sa’yo kahapon ay pwedeng maging bagay na makakahulma sa pagkatao mo ngayon at siyempre, bukas. Ngiti lang kasi malay mo, kailangan pala nating bitawan ang mga bagay na akala nating magpapasaya sa’tin, para madampot natin ang bagay na magpapasaya talaga sa’tin.

At yun po ang ating lesson for the day. Ahahah.

P.S. Kung may assignment kayo tungkol sa stages na’to, hindi po reliable ang blogpost na ‘to. Ipapaalam ko lang para maliwanag. hahah. XD