Open Letter Sa Magiging Anak Kong Babae

Gusto kong sabihin sa’yo na kung dumating man ang araw na may mga gabing iisipin mo kung meron ba talagang nagmamahal sa’yo o kaya meron ba talagang may paki-alam, meron bang nakikinig. Kung sakaling mabasa ang unan ng iyong mga luha at makakatulog ka sa pagod dahil kaiiyak. Gusto kong malaman mo na ang sagot ay meron. Merong nagmamahal sa’yo. Merong may paki-alam, merong nakikinig. At balang araw, papahirin niya ang bawat patak ng luhang dumaloy at dadaloy sa mga mata mo. Hayaan mong ako muna ang magsilbing taga-pahid ng mga luha mo.

Kung sakaling masyadong maingay ang mundo ng mga salitang hindi ka perpekto, masyado kang mataba, masyadong payat, nasobrahan ng tangkad o pandak,  pango ang ilong, sobrang puti, medyo maitim,  at kung anu-ano pa. Gusto kong malaman mong isa yang malaking kasinungalingan. Ginawa kang natatangi at kamang-mangha. Kawangis nang lumikha ng lahat na hinahangaan mo tulad ng bukangliwayway, mga tala, bahaghari. Pero ikaw–ikaw ay mas kabigha-bighani kesa sa mga nabanggit ko.

Kung sakaling gusto mong malaman kung paano makikilala ang panganib sa kwento mo,  minsan hindi ito katulad ng nasa isang fairytale  na madaling makikilala ang kontrabida. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay meron silang magulong buhok, kulubot na balat, at matinis na halakhak. Minsan, sila ay may pomadang buhok, nakakatunaw na ngiti, at may matatamis na salita.

Minsan din, ang prinsipe mo ay hindi yung palaging magsasalba sa’yo. Minsan ang prinsipe mo ang kailangang isalba. Pwedeng ang prinsipe mo ay  hindi yung kailangan mo pang abutin, kundi isang kaibigang nasa tabi mo lang pala. At sasabihin ko na ring, pwedeng ang para sa’yo… ay hindi sinisisilbihan, kundi ang  nagsisilbi din sa hari.

Sana, makayanan mong maghintay sa kanya. Sana’y hindi ka mabulag sa  pangako ng panandaliang saya, at sana’y maging matatag ka sa pag-asang, balang araw pasasalamatan ka niya dahil hinintay mo ang pagkakataong handa ka na at handa na rin siya.

Pero alam mo, ang pinapanalangin ko talaga… na sana malaman mo na ang kwento ay hindi tungkol sa’yo at ng prinsipe.  Kundi  tungkol sa’yo at ng hari.

At sana, maabot mo ang puntong mapagtanto mo na ang kwento ay hindi tungkol sa isang puno, kundi tungkol sa isang gubat, hindi tungkol sa isang prinsesa kundi tungkol sa isang kaharian, na ang kwento mo ay isang parte lamang  ng isang napaka-engrande at epic na kwento.

Kaya huwag kang susuko. Kahit hindi mo na naiintindihan. Kahit na marami kang tanong. Kahit na sobra ka ng nahihirapan. Laban lang. Ipagpatuloy mo lang ang kwento–hanggang sa makilala mo ang nagsusulat ng kwento mo. =)

kwentonikat.wordpress.com