Para Sa Antukin

Bago mo ako iwanan bukas,
Hayaan mong ngayong gabi’y samahan muna kita.
Papunta sa mundo ng iyong panaginip at mga hiling.

Bago ka tuluyang pumikit,
Pwede akong makinig sa’yong mga pinakatago-tagong lihim.
Pwedeng-pwede rin akong mabasa
Ng ‘yong mga luha.

At kung masyadong madilim ang gabi, hayaan mong ipagtanggol kita
Sa lahat ng ‘yong kinakatakutan.
Mga engkantong di matahimik
Ang hindi matahimik.
Mga multong ligaw.
Ang maligaw.
Ang mga kaluluwang nalimot.
Ang makalimutan.

Pwede mo ring silipin ang aking kaluluwa.
Gusto mo bang ako ri’y magkwento?
Kung paanong ako rin
Ay may mga agiw ng nakaraan
Mga litrato ng nakalipas
Mga bagay na minsan ay mahalaga.
At mga lihim na tayo lang ang nakakaalam.

Bukas, pagkagising mo,
‘Wag kang mag-alala,
Pinapangako kong andito pa rin ako.
Kahit na ako din ay iyong iiwanan
Para abutin ang ‘yong mga panaginip at mga hiling.

Nagmamahal,
Ang iyong Kama

www.RussianPaintings.net_Aracil_German_Little_Angel_medium_227534