Ako si Kat, Laking San Juan

Ako si Kat. Lumaki ako sa kalye ng San Juan. Naniniwala akong hindi lang mga tao ang nagbabago, kundi pati mga bagay , pati mga lugar. Kaya sana, hayaan niyong dalhin ko kayo ngayon, hindi sa isang lugar, kundi sa isang alaala.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung anong klase ng Santo si San Juan na pinanggalingan ng pangalan ng lugar namin. Ang alam ko lang, tuwing kapiyestahan ng San Juan, parang basang sisiw ako pagpasok sa eskwela. Dahil nga basa ako palagi, naisip ko na lang na baka santo ng tubig o water gun ‘tong si San Juan. hahah.

Masasabi kong bagay ang pangalan ng kalye sa lugar namin kasi malapit kami sa dagat. Lahat nga ng mga purok sa amin, ipinangalan sa mga kabibe o shells tulad ng Sigay,Kagaykay, Lampirong tsaka yung alam nang lahat, Tahong.
Tapos, dun sa lugar namin merong “pantalan”. Yung maliit na reclamation area. Kung sakaling lakarin niyo hanggang sa dulo, makikita niyo ang mga malalaking barko, at habang papunta naman dun, makikita niyo ang mga sira na o inabandonang barko. Siguro, masasabi mo na ring pier yung lugar namin.

Sa pagkakaalala ko, tuwing bukangliwayliway, dumarating ang mga mangingisda mula sa laot. Tapos sa pangpang, doon na naghihintay yung mga gustong mamili ng mga isdang nasa banyera pa at nalublob sa yelo. Naku, kung kaya ko lang sana mailarawan kung gaano ka ingay ang ganito.Tawaran dito, tawaran doon. Yung mga bumibili kasi dito ay yung mga magtitinda sa palengke. Kapag kailangan mo lang nang pang-ulam,wais ka kung bibili ka dito kasi mas mura kesa sa presyo sa palengke. Extra effort nga lang.

Maya-maya pa, kapag sisikat na si haring araw, raraket na kami. Isa ako sa ma-raket nung bata ,lalo na kapag di nabibigyan ng mga magulang ng piso. heheh. Kaya naman kami na ang pumupunta sa kapitbahay namin para gumawa nung tuyo pero hindi talaga tuyo.  Dahil bata pa ako nun, hindi ko talaga alam ang tawag sa isda at di ko din alam ang tawag sa proseso.

Basta ganito yung ginawa namin, yung maliliit na isda na parang hintuturo lang ang laki,hinuhugasan namin yan ng mabuti. Tapos kung kuntento na kami sa paghuhugas, iisa-isahin namin yan lagay sa parisukat na net, dinidikit namin para makabuo ng 12 inches by 12 inches na parang banig ng isda. Tapos pinapatuyo na namin. Piso at sinkwenta centimos ang bayad kada 12X12, so kung mas mabilis kang gumawa, mas marami kang pera. Kung matuyo na yan, pwede yang i-prito. Tinitiyak ko sa inyo, sobrang sarap at crispy nito !Nag-promote pa? Hahah

Habang ginagawa naman namin yan, makikita mo naman na nananahi ng mga lambat ang ibang mag-asawa. May puro kulay berde,may puro kulay puti, at merong combo. Tinuro ng mga magulang nila sa kanila, sa kasamaang palad, hindi na naturo sa sumunod na henerasyon.

“Pika-pika” ,ito yung tawag sa daanan  ng tao(pero sa totoo, dike pala talaga ‘to at hindi lang  daanan) na kung hindi ka sanay sa pagtawid eh tiyak na diretso ka sa dagat.  Kapag 2.0 ang nasa kalendaryo, lagpas sa pika-pika ang tubig. Tuwing tanghali, makikita mo ang mga bata na naghahabulan diyan. Minsan, yan na yung ginagawa nilang diving board. Para naman sa mga mas matapang, ang ginagawa nilang diving board ay yung sa tuktok ng mga inabandonang barko.  Naku, kakabahan ka kahit na nagmamasid ka lang pero grabe din yung excitement lalo na kapag makita mong papalapit na sila sa tubig. Splash!  Tapos maghihintay ka ng ilang minuto. Buhay pa kaya? At biglang lalabas sa tubig ulo nila. Buhay! Aahon na naman at magsisimula uli pumila sa barko para mg-dive.

Kapag sinuswerte ka, makakita ka pa ng mga batang, hinahabol naman ng mga nanay nila na may dalang pamalo. Ilang beses na daw sabihan na matulog na, nagawa pang tumakas at maligo sa dagat. Ang tigas-tigas ng ulo!
Hindi ako nakasali sa mga ganyan dahil di talaga ako natutong lumagoy hanggang college. Pero isa pa rin naman ako sa mga batang nakikipaghabulan sa pika-pika kung hapon o kaya makikipaglaro ng taguan o langit lupa  sa mga inabandonang barko.  Grabe, hanggang ngayon, masasabi kong hindi ko alam kung paano ko nagawa yun. Hahah

Kapag naman sasapit ang dapit-hapon at magpapaalam na si haring araw.  Unti-unti na rin magpapaalam ang tubig ng dagat. At makikita mo yung kaninang pinapaliguan na dagat, eh parang putikan na kung saan may mag naglalakad-lakad at namumulot ng mga suso. Yung susong pwedeng ilaga sa luya tapos ang isang supot eh tag-piso. Raket pa rin.

At pagsapit naman ng gabi at magsisimula nang magpakita si reynang buwan, unti-unti nang babalik ang tubig dagat. Unti-unti na ding makikita mong nagkaka-ilaw ang iba’t-ibang bangka.  Para ngang mga alitaptap sa dagat. Aalis na yung mga mangingisda, papalaot. At kinabukasan, babalik sila para simulan ang mga tagpong sa ngayon ay nasa alaala na lang nang isang lumaki sa lugar na ito.

Ako si Kat. Lumaki ako sa kalye ng San Juan. Naniniwala akong hindi lang mga tao ang nagbabago, kundi pati mga bagay, pati mga lugar. Kaya sana nadala ko kayo, hindi sa isang lugar, kundi sa isang alaala.

 

*****************************************************************************************

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards:

Sponsors: