Isa akong alipin ng pera. Sabi ng isang commercial ng isang kape, para kanino ka bumabangon? Ang sabi ng utak ko, para kay Ninoy, kay Roxas, para kay Manuel Quezon, kay Osmeña, at para sa tatlong mukha ng isang libo na si Josefa lang ang matandaan ko. Tantiya ko, hindi lang ako ang Pinoy na bumabangon para sa kanila.
Isa akong alipin ng pera. Sabi ng eskwelahang pinanggalingan ko, palaging may mali sa sistema, kaya maghanap ng paraan para baguhin ang sistema. Pero isa na ako ngayon sa sumusunod sa sistemang nagreresulta para sa mga tao na mawalan ng initiative. Natatatakot na ako baka kung hamunin ang sistema, hindi ko na makikita ang tatlong mukha sa harap ng Banaue Rice Terraces, na si Josefa lang ang matandaan ko. Sistemang pwede ko lang ibulong sa utak ko ang pagkakamali.
Isa akong alipin ng pera. Sabi ko sa sarili k0 noon,hindi importante ang position at possession ng isang tao. Pero ano ako ngayon? Palaging ilang beses tignan ang MS word kung may nalagay ba akong Hon. o Gov. o ano pa man na para bang pwede akong ma-lethal injection kung magkamali ako. Ang alam ko lang naman nung bata ako eh Doc tsaka Atty., eh ngayon,pinapa-memorize ako ng kung anong ka-shitan(at pinilit talagang ilagay to, awkward much).
Sinong ba ang nagpa-uso ng pahabaan ng pangalan? I-papatay nga yan. Magastos sa ink, magastos sa space , magastos sa laway, at higit sa lahat, nagbibigay ng impresyong mas importante ang ginagawa nila kesa sa ginagawa ng iba.
Alipin ako ng pera. Asan na ang sinasabi kong ayaw ko sa mga politikong nandyan sa nabubulok na gobyerno. Nandito ako ngayon, nakikipag-kamay sa kanila, tumatawag sa sekretarya nilang kung umasta ay binabayaran para babaan ng telepono at sungitan ang ibang tao.
Alipin ako ng pera. Dahil kinukwenta ko na kung may pamasahe pa akong matitira sakaling magbigay ako ng ilang sentimo sa isang batang palaboy. Dahil naiirita ako kapag ang driver, tinatamad magbigay ng sukli. Dahil kailangan kong maghanap ng 39ers o kaya ng buy 1take 1. Dahil kailangan kong magsingil ng pina-utang ko sa isang kaibigan.
Alipin ako ng pera. Dahil nangangarap akong sana dumami ang pera ko, Yung tipong sa sobrang dami, pwede akong mag-sunog ng pera sakaling malamigan ako o ma-bore, o kaya, pwede kong gawing tissue paper ang pera. Tapos magpagawa ako ng bahay, na sa sobrang laki, di kami nagkikita ng mga kasama ko sa bahay. Tapos magbayad ng tao, makipag-plastikan lang na gusto niya ako. Bwahahah.
Isa akong alipin ng pera. Eh, ikaw? Alipin ka din ba ng pera?

____________________________________________________________________________________________
Note* Hindi lahat ng nasa post na to ay totoo, ang anumang pagkakawig sa tunay na buhay ay pawang nagkataon lamang. hahah. Sumubok lang ng bagong style ng pagsulat para sa Same Shit Different Day pa-kontes ni Ginoong Lio Loco. 🙂 Salamat sa oportunidad Ginoong L at happy 3rd birthday sa blog mo. 🙂
