Mirror, Mirror on the Wall

I’m starting with the man in the mirror,

I’m asking him to change his ways,

And no message could have been any clearer,

If you wanna make the world  a better place,

take a look at yourself and then make a change..

Para sa’kin, ang salamin ay isa sa pinakamahiwagang bagay. Minsan kasi naniniwala akong ang salamin ay isang pintuan patungo sa isang mundong iba sa mundong kinabibilangan ko ngayon. Minsan naman parang pakiramdam ko may ibang taong nakakulong sa loob ng salamin. Minsan din naiisip kong pwede itong gamitin para malaman o manghula ng buhay ng iba.  Epekto siguro ng snow white. At Ewan ko lang din kung anong meron sa salamin na ang mga tao sa tuwing may madadaanan na salamin, eh agad na napapalingon. Ano ba meron sa kanya?

Noong bata pa ako, mahilig akong bumato ng kung anu-anong linyang narinig ko sa tv sa harapan ng salamin. Kunwari daw may kinakausap ako at may kapalitan ng linya. Pagkatapos may pagkakataong sinusunod ko yung mga commercials na parang  may iminumungkahi akong  produkto. Nakakatawa man, pero ganyan talaga tupak ko.

Noong nasa hayskul naman ako, mahilig akong mag-drama. Emo-emohan kasi ako noon, yung tipong may bangs na parang ewan. Tuwing may naiisip akong kung anu-anong parang engot lang, may mga monologo akong binibitawan sa harap ng salamin.

Pagkatapos,parang na-realize ko na mas madali pala akong umiyak kung nagda-drama ako sa harap ng salamin kesa nagda-dramahan lang ako sa kawalan. Ewan ko ba, tuwing nakikita ko sarili ko sa salamin,parang nalulungkot ako, o baka dahil naiisip ko lang na ang pangit ko na sabi naman ng nanay ko’y hindi totoo. Maganda daw talaga ako, sabi ng nanay ko at aniniwala naman ako sa kanya.heheh

Ngayong college naman, naisip ko lang na ang salamin pala, isa sa mga bagay na nakakaalam sa kung sino ka talaga at ano na ang nagbago sa iyo. Nakita ng salamin ang 5 year old Kat na merong straight na bangs, bungi-bungi ang ngipin, at parang panlalaki ang damit. Nakita ng salamin ang Kat nangangarap maging artista o maging beauty queen balang araw. Nakita nito ang parang lost na hayskul na Kat na parang emo lang at nangangarap na maging manunulat balang araw. Nakita rin nito ang college na na Kat na naghihinayang dahil may mga bagay na hindi niya nabago sa sarili niya at may mga pagbabago namang hindi  niya nagustuhan, at nangangarap na sana maging mabuting tao siya balang araw.

Kung isisipin nakita rin nito kung paano ako ngumiti,naging malungkot, paano humagulhol ng iyak at alam niya rin kung kailan peke ang lahat ng emosyong pinapakita ko. Narinig nito ang pinakamasakit na salitang pwede kong sabihin sa isang tao, ang mga salitang nagsasabing “Kaya mo yan”, at mga salitang sa sobrang lungkot pakinggan ay nakalimutan ko na.

Unang nakita ng salamin kung nagpagupit ka ng buhok dahil sa bigong pag-ibig. Nakita niya rin kung paano ka mag-ayos para lang sa isang tao. Nakita ka niya bago ka pumupunta sa eskwelahan o trabaho o bago ka lang makita ng kung sino. Nakita ka niya bago ka nagmartsa sa graduation mo,o pumunta sa prom niyo o bago ang iyong job interview.At nakita niya ang mga pagkakataong ayaw mong makita ka ng iba.

Ganito talaga tupak ko. Kung anu-ano pinagsasabi tungkol sa simpleng salamin. Pero siguro dahil gusto ko lang sabihing, natutunan kong importante rin pala ang salamin, kasi minsan importanteng natatanong mo sarili mo kung ikaw pa ba ang taong nasa salamin.  Importanteng makita mo ang pagbabagong nagaganap sa’yo. At higit sa lahat, importanteng malaman mo at makilala kung sino nga ba ang taong nasa harapan ng salamin.

Who is that girl I see

Staring straight back at me

why is my reflection

Someone I don’t know?

null