Bakit Naimbento ang Tulog?

Gusto kong…

Matulog,

Pagkatapos matulog ulit,

At excited na akong magising bukas,

Para Matulog ulit.

Nabuhay ba ako para matulog?

Hindi ko alam.

Pero baka hindi,

Kasi binabatukan ako ng nanay ko

Pag tinanghali ako ng gising.

Baka hindi,

Kasi namatay si Juan Tamad dahil gusto niya lang matulog.

Baka hindi,

Kasi mukhang tulog ang mga patay..

Kaya nga ginawa ang gabi para matulog di’ba?

Pero ginawa rin umaga araw para magising..

Bakit ba gusto kong matulog?

Dahil kailangan ng katawan ko ng tulog?

Para malusog, para may enerhiya.

Pero saan ko gagamitin ang enerhiyang yan?

Matutulog lang naman ako di’ba?

Tama… malusog ang palaging natutulog,

Kasi mas mataba, mas malusog.

Bakit ba naimbento ang tulog?

Siguro..

Para may ginagawa sa loob ng dyipni,

Para masorpresa tayo sa umaga,

Para gisingin tayo ng araw,

Para marinig natin ang nanay natin na sumisigaw “Gumising ka na!”

Para makagising sa amoy ng almusal,

Para hanapin natin ang kape,

Para may rason tayong halikan sa pisngi nanay natin kung gabi,

Para may bed-time stories,

Para matitigan ang di natin matitigan kung gising,

Para matuto tayong managinip,

Siguro naimbento talaga ang tulog,

Para matuto tayong gumising.null