Kahapon, nagkaroon ako ng pakiramdam na para bang hindi ako makahinga, akala ko tuwing nasa ilalim ka lang ng tubig nakakaramdam ng ganito. Habang, nanonood ako ng balita sa lobby ng aming dorm kasama ang mahigit sampung dormer na nagkataon ding merong pakialam sa nangyayari sa Pilipinas, napapa-waaaah! -ay naku! Wag naman sana! -At anu daw?- ako dahil sa hostage-taking na naganap na sa isang tourist bus na sangkot ang isang may mataas na ranggong pulis.
Nahihirapan akong huminga dahil pakiramdam ko pag huminga ako ng malalim, makakabasag ako nang kung anumang namuong tensyon sa paligid. Nahihirapan akong kumurap dahil baka sa isang segundo ay may biglang umalingawngaw na tunog na bala. Na para bang nakasalalay sa pag kurap ko ang buhay nang dinadala pa lang sa sinapupunan. Nahihirapan akong magsalita dahil wala ring salitang makakapag larawan sa nararamdaman ko. At may mga salita bang makakatulong? Sa mga taga-Hongkong,kay Sr. Ins. Rolando Mendoza, o sa mga kapawa kong Pilipino, o kahit sa mga dormmate ko?
Nagtapos ang araw ng mga nasa puwesto na may batuhan ng sisi, may pasahan ng responsibilidad, at may turuan ng may kasalanan. Nagtapos ang araw na mga na-hostage na puno ng takot sa puso nila dahil sa naranasan. Nagtapos ang araw ng mga may namatayang kapamilya na puno ng kalungkutan, kawalan, at marahil galit. Nagtapos rin ang huling araw sa buhay ni Ginoong Rolando Mendoza. Sa ibang dako ng Pilipinas, nagtapos ang araw ng iba na tahimik dahil walang radyo o tv na naghatid ng nakaririmarim na balita. Sa ibang dako ng mundo, nagsisimula pa lang ang araw nila habang natatapos na sa’tin.
At natapos naman ang araw ni Kat na natatakot, at puno ng katanungan.
