Emoness na naman ang post na ‘to kaya nagdedebate pa ako sa sarili ko kung susundin ko ba ang batas ko na bawal ang emo post sa blog ko o magbigay na lang ako ng exception dahil ako naman nagmamay-ari ng blog na ‘to. Bahala na si Batman. Si batman na nga ang bahala sa assignments at exam ko,siya pa ang bahala sa pagbablog ko.
Magpapaliwanag lang ako kung bakit importante sa’kin ang salita at kung anong kaya nitong gawin sa’kin.
Baliw Lang
Bata pa lang ako, kinakausap ko na sarili ko, at take note,hindi ilonggo ginagamit ko kapag kinakausap ko ang sarili ko, nagtatagalog talaga ako para lang sa madrama kong monologue. Minsan may English pa akong nalalaman,pero tinigilan ko nang ma-realize kong sarili ko lang kinakausap ko,hindi pa kami magkaintindihan.
Lakwatsera
Kinatuwa ko ng makaalis ako ng Bacolod, dahil sa isang writing contest sa Iloilo, pagkatapos nakapaglibot din ako sa Cebu at nakatapon ng 25 cents sa Taoist temple, dahil na rin sa “feature writing contest” na yan na hindi ko naman talaga alam kung ano ang kaibahan sa ibang klase ng pagsusulat.
Kuripot si Kat
Nung elementary ako,palaging wala akong natitirang baon kahit na 2 peso lang naman ang presyo ng spaghetti at tsaka misua sa minindalan namin. Ibig sabihin,hindi ako makapag-impok para sa ipangreregalo sa mga birthdays tsaka Mother’s day,father’s day,friendship day,pet’s day at favorite power ranger’s day. Kung kaya’t ang palagi kong tagapagligtas ay isang ballpen at papel na pwedeng gawing card(na ang lettering sa cover ay pinapagawa ko pa sa pagbibigyan ko).Ang kuripot lang talaga.
Madaling mabola.
Lumaki naman akong kahit papano’y may nagkakamaling manligaw. Mas maarte sa panliligaw, mas napapansin ko. Pero sa lahat nung mga binigay sa’kin, pagkain, stuffed toys, sketches nang mukha kong hindi naman talaga maganda tignan sa sketch(mas maganda sa personal eh.wahaha)… ang naitatago ko ay ang mga personal cards tsaka love letters, sa papel man o dahon naisulat. At higit sa lahat,mas naaalala ko pa ang mga pambobola nila sa’kin kesa sa mukha nila. Kaya naman, hindi na ako nagtataka kung ang sinagot ko ay isang kinaiinisan kong classmate na mas mataas ang nakukuhang grades sa reflection papers kesa sa’kin. Maka-english lang, nakakalimutan ko ng 1 inch taller ako sa kanya.
conclusion na lang
Ito lang talaga ang gusto kong sabihin,pinahaba ko pa. Nasabihan na ako ng kung anu-anong masasakit na salita,kung anu-anong panlalait at kung anu-anong badwords, pero alam ko kung paano tanggapin ang mga salitang yun. Sino ba sila para paniwalaan ko? wala akong pakialam sa mga pinagsasabi nila dahil sa bandang huli, naniniwala pa rin akong lahat ng mga salitang sinasabi natin sa iba, ay salamin sa kung anong klaseng tao tayo. Ang paniniwalaan ko lang ay ang may katwiran sa pinagsasabi nila. Hindi ako makikinig sa putak ng putak,na sa bandang huli sarili na pala nila tinutukoy nila.
Pero iba pala kung ang nagsasalita na ay ang mga taong mahal mo at malapit sa’yo. Hindi kailangan ng badwords, hindi kailangan ng panlalait,hindi kailangan ng masasakit na salita..para masaktan ka ng salita ng taong mahal mo. Ang kailangan lang isang salitang magpapatunay na hindi ka nila nirerespeto.
Kung ano ang relate ng post na ito sa title ay mananatiling misteryo. Chorla lang(at kung ano ibig sabihin ng chorla, ay hindi ko alam, narinig ko lang yan).