Gallery

Chili Chocolate Ice Cream: Ang Flavor ng Buhay

Ambilis lang ng panahon, parang dati lang,nagba-blog pa ako tungkol sa school, tapos tungkol sa thesis, tungkol sa graduation,tapos tungkol sa paghahanap ng trabaho, tapos tungkol sa trabaho ko mismo at ngayon, ito.

Sa totoo lang, yung ilang taon sa eskwelahan, yung 16 taon,para pala siyang panaginip,akala mo antagal-tagal tapos akala mo parang yun na yun,parang totoo pero alam mong may kontrol ka pa rin, tapos bigla na lang, boom, gising ka na.

Nung nasa graduation ako, pakiramdam ko, parang kaya ko ang lahat, kaya kong harapin ang mundo: kaya kong habulin ang lahat ng pangarap ko, kaya kong maging kahit anong gustuhin ko, kaya kong maging sinong pwedeng maging ako.

Pero iba pala talaga ang real world, iba pala kung meron ka ng payslip, tax, babayarang rent, mga bills,utang, bosses, quota. Ang tottong mundo, akala mo magiging handa ka agad para  rito, pero hindi pala ,para siyang pagsampal lang ng bida sa kontrabida sa isang soap opera, parang ini-expect mo na pero mabibigla ka pa rin.

Para siyang chili-chocolate flavored ice cream, malamig pero nakakapaso  din ng dila, matamis pero maanghang,yup, napaka-confusing. Parang kaya nyang i-offer ang napakarami at opposite flavors sa buhay mo sa parehong oras, lahat ng blessings tsaka curses, tagumpay tsaka pagkabigo, opportunities tsaka closed doors, great people at worst people, nakakapanabik pero hindi pwedeng isubo lahat-lahat.

At kagaya ng chili-flavored chocolate ice cream, dati hinihiling ko na sana merong ganung flavor meron pala, akala ko imposible pero posible pala,noon titignan ko lang, ngayon afford na afford ko na.

Basta, sa halos isang taon, nakita ko sa harap ko ang sarili kong buhay, parang 3d chick flick movie lang habang kumakain ako ng white cheddar flavored popcorn.

Nakita ko kung paano nagsimula lahat,kung paanong nangarap ako ng ganito ganyan, at naabot ko lahat, kung paanong  ang imposible, naging posible, at kung paanong biglang ma-rerealize ng bida sa istorya, na magbabago lang ang lahat, na magkakaroon lang ng tunay na kwento kung may twist o kapag mamimili siya kung sino talaga mahal niya at kung hahabulin ba niya ito sa airport o pipigilan ang kasal o hindi na.

At nandung point ako ngayon sa buhay ko. Nararamdaman ang lahat ng emosyon na pwede kong maramdaman. Namimili. Magdedesisyon. Pero nakakahiya mang aminin, kung ako man ang bida sa isang pelikula, hindi ko alam kung sino talaga mahal ko, hindi ko alam kung kailan magsisimulang tumakbo,o kung paano lusutan ang guard sa airport, hindi ko alam kung kailan pinaka right timing na sabihing itigil ang kasal.

Pero ang alam ko, magsisimula na ang tunay na kwento sa point na to.