Guys, alam niyo bang nagpabotox si Charice?
Bungad nang classmate namin na para bang kapitbahay lang din namin si Charice. “Talaga? Bakit naman?”; tanong ko naman na para bang seatmate ko lang si Charice na hinihingan ko ng 1/4 sheet of paper kung may pop quiz.
Nabasa raw niya sa PDI na dahil sinabihan ang dalagang masyadong bilugan ang mukha niya para sa role niya sa show na “Glee”. Dahil sa plastic surgery ng 18 taong gulang na bata, may ibang face muscles na siyang na-immobilized pero di naman naapektuhan ang tinig ng dalaga.

Naisip ko lang tuloy,matapos kong subaybayan ang Glee, parang bigla na lang ayaw ko nang manuod nito. Napaka-ironic lang kasi na ang show na parang nagsasabing hindi dapat tayo mahiya sa ating kapansanan, kapalpakan, kulay, pagkatao, at pagiging imperpekto ay siya ring show na nagsabi sa isang 18 taong gulang na bata na magpa-botox dahil hindi siya ganun kaganda. Para sa’kin, maganda na si Charice sa kung sino siya. Hindi niya kailangang baguhin ang kung anuman sa kanya dahil lang sa iba.
Hindi ako isang Charice Pempengco fan, pero isa akong pinay na naniniwalang may sariling ganda ang mga Pilipina, naiiba man kulay sa iba. Isa akong babaeng naniniwalang ang ganda ng isang dalaga ay hindi nababase sa hugis ng kanyang mukha, kundi sa kung paano niya nadadala ang sarili niya. Isa akong bata naniniwala hanggang ngayon sa nanay ko na ako ang pinakamagandang ipinanganak sa mundong ibabaw. Isa akong taong naniniwalang hindi ko kailangang maging maganda sa mata ng lahat dahil alam kong may mga taong nagmamahal at mamahalin ako sa kung sino ako at kung anuman ang mukha ko.
Sa araw na ‘to, yan ang kwento ni Kat.