Gallery

Nung Bata Ako:Akala Ko Edition

Nung bata ka ba, andami mo ring iniisip? Andami bang bagay na parang bago sa’yo? At di mo maintindihan kung bakit ganito o kaya bakit ganun. Higit sa lahat,iniisip mong ang lahat ng bagay ay pwedeng magkatotoo.  Magkakaroon ako ng parang series of post tungkol sa childhood ko  dahil ang alam ko,  masarap maging bata.

Nung bata ako, akala ko five star restaurant ang Jollibee tsaka Mcdonalds. Akala ko noon, ang fastfood restos na to ang may pinakamasarap na pagkain sa buong mundo kasi minsan lang kami pumunta dito, kung linggo lang o kaya pagkatapos nang recognition namin.

Akala ko required na pink ang gamit ng mga babae at blue naman sa lalaki. Nung bata kasi ako binilhan kami ni Raprap(nakababatang kapatid), ng upuan tsaka ng toothbrush, blue ang sa kanya, pink naman ang saken.  Favorite color ko ang blue kaya gusto ko sanang magtanong bakit ganun. Pero nakita ko sa school na puro pink ang gamit ng mga girl classmates ko kaya naisip ko na baka may batas na ganun talaga kaya quiet na lang ako,ayoko namang lumabag ng batas at makulong.

Akala ko, pinaka-cool ka kung meron kang magandang pencil case. Hindi ko alam kung bakit,pero nagiging sikat talaga agad ang classmate ko kung meron siyang malaking pencil case na maraming lalagyan ng lapis, na parang may hagdan o second level, na parang may maraming pantasa at baka may refrigerator pa.

Akala ko sinusundan ako ng buwan.  Merong isang gabing pauwi na ako, dala-dala ang kamatis at sibuyas na pinapabili ni mama. Tapos napatingin ako sa buwan habang naglalakad, tapos parang napansin kong parang sinusundan ako kaya tumakbo ako, andyan pa rin! Tapos para ma-test ko kung sinusundan talaga ako, bumalik ako sa tindahan, habang tinititigan ko ang buwan. Sinusundan nga ako. Ang ending, napagalitan ako, asan na daw ang kamatis at sibuyas na pinapabili ni mama. hahah

Akala ko ang ibig sabihin ng 15T o kaya 20T sa mga bridges o mga tulay ay “15 TAO” o “20 TAO”,at yun lang ang pwede sa loob ng dyipni para makatawid ng ligtas sa tulay. Kaya tuwing nasa dyip ako, binibilang ko kung ilan ang tao sa loob, kung higit sa 20, pinapanalangin kong maging ligtas ang byahe lalo na kapag tumawid ng tulay. hahah. Palagi namang pinapakinggan ni Lord ang hiling ko. hahah

Akala ko noon, mabubuntis ang babae kapag hinalikan siya sa pisngi ng lalaki, kaya naman iyak ako ng iyak nung hinalikan ako ng classmate kong lalaki sa pisngi. Nakakainis! Sinumbong ko agad siya sa teacher. Hanggang ngayon ay galit pa rin ako sa classmate kong yun! hahah

Akala ko noon, ang pinaka-solusyon ng kahirapan sa bansa ay ang mag-printa ang mga bangko ng maraming-maraming pera. Katulad nung ginagawa namin sa laro naming bangko-bangkohan(bahay-bahayan,bank edition), paramihan kami ng maguguhit na p1000000 sa ginupit na papel para maging mayaman ang banko,ganun din ang nag-dedeposito at nagwi-withdraw sa aming banko.  Ang tag-line “Mas maraming P1000000 ang bankong to”.

Akala ko noon, dalawa lang ang kurso sa mundo, ang kurso sa pag-dodoctor at pag-aabogasya. Kaya naman pag tinatanong ako kung ano ang gusto ko maging, ang sagot “I want to be a lawyer”. O ha? Bilib agad sila! Akala ko naman, no choice ako. hahah

Higit sa lahat, akala ko masaya ang maging matanda, mas masaya pa rin pala ang maging bata. 🙂

P.S. Ano yung mga akala mo nung bata ka? Share naman diyan. 🙂
 

 

 null