Gallery

Mga Dayalogo ng Pag-ibig

Hindi ko alam kung paanong maayon sa temang damuhan(sa pakontest ni kuya Bino) pero at the same time makakapagpangiti sa mambabasa. Naisip ko kasi, ano yung unang pumapasok sa isip ko kapag sinabing damuhan? Baka(Cow). Na parang masagwa kaya naisip ko, ano ang magandang alaala ang naiisip ko kapag nababanggit ang damuhan…

Dahil kung naiisip ko ang damuhan, naaalala ko ang gabing naglalakad tayo ng nakapaa sa damuhan. Dama ko ang lamig ng damo sa aking paa, at dama ko ang kamay mo sa espasyo ng aking kamay…

*********************************************************************************************************************

Akda:Mga Dayalogo ng Pag-ibig

Lugar: Damuhan

Petsa: Kasalukuyan

Tauhan: Ikaw, ako, kung sinong makakakita ng saril niya sa tauhan

Maligno(Hindi ito title, basta lang. :D) 

Nandito na naman tayo,nakaupo sa malamig na damuhan, sa ilalim ng mga bituin, sa ilalim ng reynang buwan. Nag-uusap tungkol sa mga bagay na hindi daw dapat  pinag-uusapan ng mga magde-date-relihiyon, politika, mga  nakalipas na pag-ibig.Pero hindi naman tayo ganun. Dahil, sa palagay ko, hindi  tayo magiging ganun.

Ako: Hindi ka ba natatakot? Ginabi na naman tayo sa pag-uusap.

Ikaw: Sa ano? Sa multo?Sa maligno? Hindi . Sila yung dapat matakot sa’kin!

Ako: Sira! Eh, ibig sabihin wala kang kinakatakutan?

Ikaw: Meron.

Ako; Ano?

Tumahimik ka, nag-isip at tinitigan ako.

Ikaw: May kinakatakutan din. Natatakot ako,  na… na manatiling ganito. Ikaw , ako…at hindi tayo.

Nandito na naman tayo, nakaupo sa malamig na damuhan, sa ilalim ng mga bituin, sa ilalim ng reynang buwan, nag-uusap tungkol sa mga bagay na hindi daw dapat  pinag-uusapan ng mga magde-date-relihiyon, politika, mga nakalipas na pag-ibig. Pero hindi tayo ganun. Dahil, sa palagay ko, higit na tayo sa ganun.

Panitikan

Ayan ka naman,nakaupo sa kakagupit lang na damuhan. Sumusulat, nag-iisip,  sa ilalim ng punong mangga, sa harap ng kabundukang tila sinakluban ng luntiang tela.

Ikaw: Hindi ka man lang nagsabing andyan ka na.

Ako: Kahit sabihin kong nandito ako, hindi mo naman ako mapapansin.  Mas interesante ata yang kwaderno mo eh.  Girlfriend mo na yan eh.

Ikaw:  hahah. Hindi naman. Mahal lang.

Ako: Ang kwaderno?

Ikaw: Hindi! Ang  pagsusulat,literarura, ang panitikan… ang inspirasyon ng sinusulat ko.

Ako: Ano ba yung inspirasyon mo?

Ikaw: Hindi ano, sino.

Ayan ka naman,nakaupo sa kakagupit lang na damuhan. Sumusulat, nag-iisip,  sa ilalim ng punong mangga, sa harap ng kabundukang tila sinakluban ng luntiang tela.

 Larawan

 Nakangiti ka pa rin. Kahit na  alam kong pagod ka na. Kahit alam kong  nangangawit ka na siguro kakangiti, kakatalon, kakakaway, kakatingin ng malayo, kakasunod sa mga  mungkahi ko.

 Ikaw:  Sa palagay mo makikita pa ako? Ang ibig kong sabihin, sa palagay ko, hindi na ako mapapansin dahil ang nasa likod ko, mga punong nagmamayabang, bundok na kinumotan ng malawak na damuhan, isang langit na kasingkulay ng bughaw na ribbon ng kapatid ko.

Ako:  Wag kang mag-alala, ikaw pa rin ang modelo dito.

Ikaw: Hindi naman ako nag-aalala. Bigyan mo ako ng kopya ha? Gusto kong makita yung larawan. At tignan  ang  mga nabanggit ko.

Ako: Oo naman. Gusto ko din actually makita…

Ang larawang nabanggit mo.  At ang larawan mo.

 Kulisap

Ikaw na ang pinaka-weird na kaibigan ko. Hindi ko makita ang dahilan kung bakit naaaliw kang naglalakad tayo ng nakapaa dito sa damuhan. Sa ganitong oras ng gabi. Tinitigan mo ang mga bituin, tapos, bigla kang tumingin sa lupa, ngumiti,  may kinuha sa damo. Isang kulisap.

Ikaw: Alam mo ba. Sabi nila, pwede ka daw bumulong sa mga kulisap. Pwede mo daw ibulong yung hindi mo masabi-sabi. Tapos sila ang magiging mensahero ng binulong mo, sa taong pinapadalhan mo ng mensahe.

Ako:Talaga?! Sige nga, akin na.

At bumulong ako sa kulisap. At ang sabi ko sa kulisap.. mahal kita.

Ikaw: Ano binulong mo?

Ako: Secret!

Ikaw: Ako naman!

At pumikit ka.. at bumulong sa kulisap na hawak mo.

Ako: So, ano sabi mo?

Ikaw: Na mahal din kita.

Galunggong

Inilapag ko na ang banig dito sa damuhan,habang sinisigaw ang pangalan mo. Nagpapasikat si haring araw kaya napilitan akong pahirin ang namumutil ng pawis sa noo ko. Lumapit ka.  Nakangiti.

Ikaw: Ano yung ulam, mahal ko?

Ako: Tignan mo na lang.

Tinignan mo ang basket na dala ko.  At bumungad sa’yo ang kaning nakabalot sa dahon ng saging, itlog na pula, berde at makinis na kamatis,dalawang hinog na mangga, at dalawang galunggong. Medyo napasimangot ka.

Ako: Ayaw mo ng hinanda ko mahal?

Ikaw: Ah hindi naman mahal. Naisip ko lang, siguro, kung hindi ako ang pinili mo, kung hindi ka nagpakasal sa isang hamak na magsasaka, baka hindi ito ang uulamin mo ngayon.

At ngumiti ako, hinawakan ang pisngi mo, sabay sabing…

Ako: Paborito ko ang lahat ng nasa basket na to mahal.

Hinuha

Ikaw: Naluluha dahil di makuha-kuha ang hinuha ng nakakahawa at kaawa-awa. Naluluha dahil di makuha-kuha ang hinuha ng nakakahawa at kaawa-awa. Naluluha dahil di makuha-kuha ang hinuha ng nakakahawa at kaawa-awa.

Ako: Hoy adik, anong ginagawa mo?!

Ikaw: Adik ka din. Tongue Twister tawag dito. Subukan mo kaya.

Ako: Alam ko din yan noh! Heto, alamat ng di tapat at sapat na pasasalamat. Alamat ng di tapat at sapat na pasasalamat. Alamat ng di tapat at sapat na pasasalamat.Alamat ng di tapat at sapat na pasasalamat.

Ikaw: Hinahamon mo ako ah. Heto. Bakit ang sakit? Namimilipit. Ang kalimutan kang pilit. Bakit ang sakit? Namimilipit. Ang kalimutan kang pilit.

Medyo nabigla ako sa pagkasabi mo, pero isang larong tongue twister lang naman to. .. diba?

Ako: Di malaman, di maunawaan, di maintindihan ang nararamdaman. Di malaman, di maunawaan, di maintindihan ang nararamdaman.

Ikaw: Mahal kita,ba’t di mo makita.. maha-

Ako: Tumahimik ka na.. please..

Ikaw:   Naluluha dahil di makuha-kuha ang hinuha ng nakakahawa at kaawa-awa..

Silid Aklatan

Dito sa damuhan, sa ilalim ng punong mangga, sa ilalim ng bughaw na langit at mga puting ulap na may hugis kuneho, elepante, butanding, at kung anu-ano pa, pareho tayong nakaupo.. pero ako nakatitig sa langit, ikaw, nakatitig sa isang maliit na libro, na may puting pabalat, at may larawan ng isang prinsipe…

Ako: Sa palagay mo, may silid-aklatan sa langit?

Ikaw: Ha? Bakit mo natanong…

Ako: Siguro ang gandang isipin na merong library sa langit, ng lahat ng magagandang aklat na sinulat dito sa lupa.

Tumingin ka na din sa langit.

Ikaw: Tapos kung nasa langit  na tayo, meron tayong oras para basahin lahaaaaaaaaaaat ng librong yun.

Ako: Tapos, yung mga aklat na yun, kapag binuksan natin, merong may gumagalaw na pictures, sa parehong paraan kung paano naisip ng manunulat ang chapter na yun, at kapag natapos tayong magbasa, humihinto din ang paggalaw ng mga larawan.

Ikaw:  Tapos, sa silid-aklatan, merong mga estante na may pangalan mo. Pero nung binuksan ko ang isang aklat, hindi pala iyo yun,  kanya ng ibang taong katokayo mo. Pero nandun, sa isa pang estante, mga librong tungkol sa’yo, tungkol sa buhay mo, tungkol sa naging adventures mo, tungkol sa lovestory mo.

Ako: At makikita ko din yung estanteng  may pangalan mo! Na may lovestory  mo, at malalaman ko na ang mahal mo pala ay-

Ikaw.

Kagawaran

Alam ko kapag naiinis ka, kasi bigla mo akong ipapatawag, bigla kang makikipagkita sa ilalim ng  puno ng mangga, doon sa damuhan.

Ikaw: Sobrang nakakainis talaga ang BIR!

Ako: Ah, yung Kagawaran ng Rentas Internas?

Ikaw: Diba Kawanihan yun?

Ako: Kagawaran, Kawanihan, magkapareho pa rin yun.

Ikaw: So parang hindi ikaw.

Ako: Bakit?

Ikaw: Kasi wala kang kapareho.

Alam ko kapag naiinis ka, pero alam ko din kung masaya ka na..

Saranggola

Nakatingin tayo sa saranggolang parang bandila lang ng Pilipinas dahil sa kulay nito..asul, pula, dilaw.

Ikaw: Gusto kong maging isang saranggola.

Ako: Para maramdaman kung paano ang lumipad? Ako? Gusto ko lang maramdaman ang dampi ng hangin sa mga pisngi ko.

Ikaw: Gusto kong maging isang puno.

Ako: Gusto ko lang maramdaman ng mga paa ko ang mga damo.

Ikaw: Gusto kong  maging along humahalik sa pampang tuwing hapon..

Ako: Gusto ko lang..

Tinitigan kita..

Ako:  Maramdaman ang halilk mo..

At tinitigan mo ako.. Hinalikan..Tinitigan mo ako uli.  Tinignan  ang saranggola..

Ikaw: Gusto kong maging isang saranggola.

 Bayani

 Hindi mo ba namimiss? Ang mga araw na dito tayo sa ilalim ng punong mangga, sa damuhan, tayo  nagkaklase? Minsan nga  sa klase ni Ma’am Carreon, nung hayskul, kung saan tayo ang minalas na magkatunggali sa isang debate.

Ako: Sa palagay ko, si Bonifacio ang dapat na naging pambansang bayani at hindi si Rizal. Si Bonifacio ang nakipaglaban.

Ikaw: Si Rizal dapat dahil si Rizal  ang cool, siya yung nagmamahal na sa bayan, nagmamahal pa sa mga chicks.

Tumawa ang lahat bukod saken.

Ako: HA?! Pagmamahal ba sa bayan ang biglang sumuko?

Ikaw: Hindi mo ba nakita kung anong sinakripisyo niya dahil sa pagmamahal niya?

Ako: Hindi. Ano bang gusto mong sabihin?!

Ikaw:  Na mahal kita! Este,na mahal ni Rizal ang bayan…

*********************************************************************************************************************

Dahil kung naiisip ko ang damuhan, naaalala ko ang gabing naglalakad tayo ng nakapaa sa damuhan. Dama ko ang lamig ng damo sa aking paa, at dama ko ang kamay mo sa espasyo ng aking kamay…