Merong isang kwento
Tungkol sa isang rebulto
Rebultong nasa gitna ng diyerto
Lumuluha ng perlas, diyamante’t ginto.
Pero wala pang may nakakita
Kung totoo ang istorya
Wala pang may nakasaksi
Sa kanyang luha,iyak, hikbi.
Marami nang nagbakasakali
Paluhain ang istatwang hari
Wala ni isang nagtagumpay
Kwento’y walang nakapagpatunay.
Minsan may mga mandirigma
Nagbakasakaling hari’y mapaluha
Kung kaya’t hari’y sinuntok sinipa
Ngunit wala kahit isang luha.
Minsan may mga mangangalakal
Napadaan, napadalaw
Mga istilong ginagamit sa pagbebenta
Sa hari di na umubra.
Mga mangkukulam na may alam sa mahika
Nagbitiw ng mga sumpa’t salita
Mga salita pala’y walang epekto
Sa haring nasa disyerto.
May mga mananayaw na nagawi
Nagsayawan, kantahan sa harap ng hari
Baka raw ang hari’y lumuha sa tuwa
Ngunit hari’y di natuwa, di lumuha.
Totoo kaya ang kwento tungkol sa rebulto
Na lumuluha ng perlas,diyamante’t, ginto
Tanong ng batang napadpad sa disyerto
At nagbabakasaling totoo ang kwento.
Kilala kita.. Haring nalimot ng alaala
Ikaw ang haring sa’min dati’y nagpalaya
Kung kaya’t niyakap ng batang mumunti
Haring lumuluha,umiiyak,humihikbi.