“Kat, gusto mo ba ako?”
Naghihintay na siya ng sagot.. Ayoko ng mga ganitong klaseng usapan, dahil ayoko ng mga pagkakataong hindi ako handa sa kahit anong tanong. Parang recitation sa klase,ayaw na ayaw kung tinatanong ako agad-agad ng teacher dahil nagkakaroon ako ng instant mental block.
Siya yung tipo ng tao na ayokong may tinatanong sa’kin dahil kung anu-ano pinaggagawa nya base sa mga pinagsasagot ko. Naging magkaibigan kami dahil hindi namin nababasa ang isa’t-isa pero takot kami sa isa’t isa dahil rin hindi namin nababasa ang isa’t isa.
“Kat, gusto mo ba ako?”
Nangingiyak na ako sa pagkakataong ito. Bakit ba napaka-unfair nya? Apat na taon na ang nakakaraan,tinanong nya rin ako ng parehong tanong, ngunit bago ako magsalita, sinabi nyang wag ko na lang sabihin ang sagot, at ngayon pinipilit nya akong sagutin ko ang tanong nya.
Alam naming hindi importante ang sasagutin ko dahil anuman ang magiging sagot ko, wala ng importansya yun. Mula noon, magkaibigan kaming mahilig mag-away kasi marami kaming pagkakapareho. Pareho kaming matigas ang ulo. Parehong ayaw magpatalo sa isang debate. Parehong ma-pride. Parehong naiintindihan at hindi naiintindihan(ang gulo? yun ang point ko)ang mga inconsistencies ng isa’t-isa. Parehong gustong panindigan ang magkaibang katotohanang pinaniniwalaan ng isa’t isa.
Naisip namin na mas importante ang katotohanang pinaniniwalaan namin kesa sa pagpapahalaga namin sa isa’t isa. Ibig sabihin,kaya naming iwan ang isa’t isa, marahil talikuran ang pagkakaibigan namin, at hindi kaming magdadalawang isip na gawin yun.
Pero nagkasundo rin kami na balang araw, malalaman din namin kung sino ang tama at hindi na magiging importante ang anumang pagkakaiba namin at rerespetuhin ang anumang katotohanang gugulat sa’min. Pero sa ngayon, hahawakan namin ang mga paniniwala namin kahit ibig sabihin nun, ay bibitawan namin ang pagkakaibigan o ano mang meron kami.
Tumahan na ako.
“Kat, gusto mo ba ako?”
“Hindi na.”