Gallery

Blanko

Marahil magsisisi ako pagkatapos kong isulat ito. Marahil sasabihin ko sa sarili ko na sana hindi ko na lang sinulat ‘to. Iisipin kong mali ako at iisipin kong hindi na ako nag-iisip.

Nasasaktan ako ng sobra. Nasasaktan ako dahil nagkamali ako sa pagpili ng mga taong pagkakatiwalaan ko. Nagsisisi akong hindi ako lumaban at pinili na lamang tumahimik para sa kapakanan ng mga taong akala ko hindi ako iiwan. Pinili kong magpatawad kahit alam kong kahit anong oras pwede akong saksakin sa likod o sakalin habang nakapikit ang mga mata.

Inaamin ko hindi ako perperktong tao at sa pagkakamali ko mas mabuti nang sunugin ako sa impiyerno. Inaamin kong isa akong impokrita at naglalakad na demonyita. At higit sa lahat, gabundok ang mga kasalanan kong umaalingasaw sa baho.

Maghanap pa kayo ng mga kasalanan ko, dahil sinisigurado akong hindi kayo mauubusan. Magsalita pa kayo ng kung anu-anong kabulastugan ko, dahil baka yan ang ikasasaya niyo. Halukayin niyo ang baul ng pagkatao ko dahil baka yumaman pa kayo. At magsumbong pa kayo sa patay niyo ng ninuno baka multuhin pa ako sa sobrang pagmamaltrato ko sa inyo. Sige lang.

Nasa punto ako ngayon na pinagduduhan ko na ang pinaniniwalaan ko. Nasa punto ako kung kailan iniisip ko kung tama nga ba ang mga prinsipyong pinaglaban ko at kung tama ang mga taong nagsabi sa akin na ganito ang tama, ganito ang mali. Anuman ang magbago sa paniniwala at pagkatao ko,dahil yun sa puntong ito kung kailan babalik ang lahat sa blanko.