Bago Mo Hingin Ang Aking Kamay

Pwede ko bang malaman kung paano mong hahawakan nang mahigpit ang isang tropeyo?
At paano mong takpan ang iyong mukha, sakaling ika’y nadapa at nabigo?
Dahil gusto kong malaman kung paano mo tatangapin ang pagwagi o pagkatalo.

Pwede ko bang malaman kung paano mo papahirin ang luha ng isang batang paslit?
O kung paanong magiging gabay ang iyong kamay sa matandang tatawid sa daanan.
Upang bukod sa’yong kamay, puso mo ri’y masulyapan.

Pwede ko bang makita kung paano mong yayakapin ang iyong ina?
Para alam ko, kung paano mong hagkan ang unang babaeng nagmahal sa’yo.
At paano ka sasaludo sa’yong ama, ang lalaking kawangis mo.

Pwede mo bang ipakita kung paano mo itataas ang iyong kamao o ang paano mo ilalagay ang iyong kanang kamay sa dibdib para sa bayan?
Dahil sa totoo lang…
Dito sa bayang ito, ikaw at ako’y nabuhay, magmamahal at mamamatay.
Pwede ko bang malaman kung paano mo itutupi ang iyong mga kamay kung ika’y nananalangin?
Nang malaman ko ang pinakamalalim mong pangarap, ambisyon, hiling.

At higit sa lahat, bago mo hingin ang aking kamay.
Pwede mo bang ipakita kung paano mo ito hahawakan?
At pwede rin bang–
Huwag mo nang bibitawan?12250061_10203682068972264_6841266658913872771_n

Leave a comment